|
Di kaiba sa halos lahat ng bayan ng Pilipinas, makulay ang paggunita ng bayan ng Licab sa Araw ng mga Patay.  Maganda ang tanawin sa aming barangay tuwing araw ng mga patay, madalas kasi ay nasisiuwian ang mga kababaryo ko na nagtatrabaho sa malalayong lugar. Sa araw na iyon, maraming tao ang naglipana sa kalsada na animo’y isang fiesta, karamihan sa kanila ay may dalang kandila, bulaklak, niyog, malagkit na bigas, matamis sa bao, kudkuran, o kaya naman ay kamoteng kahoy na gagamitin sa pag-gawa ng sari-saring puto at kakanin. Ilang araw na lang, heksayted na akong makita muli ang mga ganitong mga eksena… Tandang-tanda ko noong nasa elementarya ako, tuwing undas maghapon kami sa sementeryo, pilit na inuubos ang sandamakmak na kandilang binili ni mama sa palengke, mura pa kasi ang kandila noon. Ako din ang taga-ipon ng mga luha nito, binibilog ko ito ng mas malaki pa sa itlog ko upang gamitin sa aming pangangaluluwa kinagabihan… Kadalasa’y maaliwalas ang gabi tuwing undas,noon kasing panahon namin wala pang mga street lights sa aming lugar kaya mamamangha kang makita ang mga tila mumunting apoy na hawak ng mga tulad kong bata noon. Grupo-grupo kami, bawat bahay tinatapatan, sabay-sabay umaawit ng kantang ito: kaluluwa kaming dakma isang manok na mataba isisilid sa balanga tuloy tuloy sa bunganga palimos nga poooo…. May isa pang version ang kantang iyan pero mahaba kaya iyan ang madalas gamitin… Pera ang madalas kapalit ng awiting iyan, kung medyo kapos ay maari na din ang puto o kaya ay suman, hindi uso noon ang “patawad po” kaya lahat ng mga bata laging masaya, laging pinananabikan ang gabi ng undas. Pero ngayon, nakakalungkot kasi hindi na ganoon kaaktivo ang mga bata sa ganitong mga panahon. dahil kaya yon sa mga drama sa TV na kanilang sinusubaybayan? O baka naman dahil ayaw na din silang palabasin ng mga magulang nila tuwing gabi? pwedi din sigurong mas gusto na nila ang nagkalat ng videoke sa amin kaya mas mabuting yun na lang ang paglibangan. Pero siguro malaki ang kinalaman ng Global Economic Crisis dahil puro patawad na ang sinisigaw ng mga tao. O baka naman hindi na sila tinuturuan ng mga guro nila sa musika kung paano ang tamang pagkanta, kami kasi Oktubre pa lang ay itinuturo na iyan, pero ngayon kahit yata mga teachers e hindi na din yan alam. nakakalungkot noh! Tingin ko, malaki na ang nagiging tapyas ng ating tradisyon, natatakot akong ito’y mawala o kaya ay malimuutan na ng mga susunod na henerasyon. Sana naman turuan ulit ng mga teachers ang mga bata ng tamang pagkanta, alam ko malaki ang maitutulong noon upang maengganyo sila at muling manumbalik ang saya sa gabi ng undas. Siguro kung magiging kapitan ako ng barangay namen, ako mismo ang makikiusap sa principal sa paaralan namen na ituro muli ito sa mga kabataan. Hindi ko sinisisi ang nagmamadaling modernisasyon sa ganitong aspeto, pero kung kailangan pala natin itong yakapin ay maaring kaakibat nito ang unti-unting paghina ng ating mga tradisyon. Ang bilis nga nitong kinain ang lahat, parang Fast Car ni Tracy Chapman. Ayokong dumating ang panahon na may mga batang kakatok sa pintuan namin, tapos pag bukas ko ay sabay-sabay silang sisigaw ng “trick or treat” tapos naka japan japan ang mga kamay. nakow, for sure paghahahampasin ko sila ng baseball bat. -------------------- Si Alvin Gino Bautista ay tubong Sta. Maria, Licab, Nueva Ecija. Basahin ang iba pa niyang mga artikulo sa kanyang blog na About A Living Stain.
|