|
Ipinanganak ako sa isang lugar na malayo sa kabihasnan. Isang lugar na masasabi mong gubat dahil sa kapal ng talahib at mga naglalakihang ibat-ibang uri ng punong kahoy. Ang pangunahing pinagkakabuhayan ng mga tao ay ang pagsasaka, pagtatanim ng gulay at pangingisda. Masarap na mahirap ang buhay. Masarap kapag anihan lalo na kapag maraming inani, tuwina'y pumupunta kami sa bayan at bibili ng bagong damit. Tuwang tuwa ako ng mga panahon na iyon na uso pa ang purontong at sando naman ang pang-itaas. Mahirap kapag wala ka namang inani sa kadahilanang nasalanta ng bagyo o napeste ng mga insekto ang palayan. Napakahirap ng buhay lalo na kung talagang walang wala.
Labing dalawang taon ako ng ako'y matutong maghanap-buhay sa kagustuhang makatulong sa aking mga magulang. Tuwing sabado at linggo ay sumasama akong makitanim ng palay. Sa isang maghapon ay kumikita ako ng halagang kuwarenta pesos at masayang masaya na ako dahil may pambaon na ako sa eskwela. Sa tuwing matatapos naman ang ulan sa gabi ay sinasamahan ko ang aking Itay para mangilaw ng palaka at tingnan kung may huli nang isda ang aming bunuhan. Tuwing kalagitnaan naman ng pagsasaka ay pagtatabas ng pilapil at pananakati ng damo ang pinagkakaabalahanan para ipakain sa kalabaw. Umiikot ang aking buhay sa maliit na kubo na aming tinitirhan-nagtitiyaga akong basahin ang aking libro sa liwanag ng lampara, dahil sa mga panahon na iyon ay madalas masira ng malalakas na bagyo ang linya ng kuryente na tumutugon sa aming barangay. Sa murang edad ng aking isipan ay unti unting nabuo ang aking “munting pangarap”. Sa pagdaan ng taon at sa paulit-ulit na sitwasyon, isang katanungan ang nabuo sa aking isipan. "Bakit ako pinanganak na mahirap?" Sagot ko na lang sa aking tanong ay siguro may dahilan ang nasa Itaas kung bakit ko nararanasan ang mga ito. Dumating ang panahon at magtatapos na pala ako ng High School. Wala akong karangalang nakamit, ngunit sa aking puso at isipan ay buo ang aking loob na matutupad ko ang aking “munting pangarap”. Kumuha ako ng pagsusulit na ibinibigay ng ating gobyerno sa mga estudyanteng gustong makatapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo at ako naman ay nakapasa at nakapag-aral sa Trade School. Tuwang-tuwa ako ng mga panahon na iyon dahil sa kabila ng dinami-daming kumuha ng pagsusulit ay isa ako sa mga pinalad na makapag-aral. Ipinangako ko sa aking mga magulang na tatapusin ko ang aking pag-aaral at iaahon ko sila sa kahirapan. Nagpatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Sa unang taon, ako'y nahirapan dahil sa laki ng pagkakaiba ng antas ng kanilang pagtuturo. Nagsikap akong magsunog ng kilay upang makahabol sa aking mga aralin dahil iniiwasan kong ako'y matanggal sa aking scholarship. Hirap pa rin ang aking dinanas dahil sapat-sapat lang ang aking allowance. “Sipag, tiyaga, at pagtitipid” ang aking naging puhunan para matapos ko ang limang taong pagsusunog ng kilay, hanggang sa marating ko ang aking pangarap na matapos ko ang aking pag-aaral. Makikita sa aking mga magulang ang luha sa kanilang mga mata. Luha ito ng kagalakan at kasiyahan habang pumapanhik ako sa entablado kasama ng aking itay upang kuhanin ang aking diploma-katibayan na sa wakas ay natapos ko rin ang aking pag-aaral. Ngunit hindi pala ito ang pagtatapos-ito pa lang ang simula. Kinausap ko ang aking Itay at sinabi ko na gusto kong kumuha ng Board Examination upang maging ganap na Inhinyero Mekanikal. Hindi siya nagdalawang- isip at kinabukasan ay ipinagbili niya ang apat na kalabaw sa halagang apatnapung libong piso. Nandoon ang aking kaba dahil naibenta na ni Itay ang aming pangkabuhayan at kailangang maipasa ko ang aking pagsusulit. Makalipas ang anim na buwang pagsasanay ay dumating ang araw ng aming pagsusulit. Nahirapan ako ngunit nandoon ang aking pananalig sa Diyos na hindi nya ako pababayaan. Matapos ang pagsusulit, ako ay umuwi na sa aming bayan na may kakambal na kaba. Pagdating ko sa aming bahay ay nagmano ako sa aking Itay at Inay at sinabi ko na lalabas ang resulta pagkatapos ng isang linggo. Makalipas ang ilang araw ay may dumating na telegrama galing sa Professional Regulation Commision na nagsasabing ako'y inaanyayahan sa gaganaping Oath Taking Ceremony na gaganapin sa Shangrila Plaza Manila. Tuwang tuwa ang aking Itay. Noon din aypinapatay niya ang dalawang alagang kambing at nagkaroon ng kaunting handaan. Upang matumbasan ang hirap na dinanas ng aking mga magulang, lumuwas ako ng Maynila upang maghanap ng mapapasukan ngunit sa kasawiang palad ay walang ibig tumanggap sapagkat wala pa raw akong sapat na kakayahan dahil sa murang edad. Tinanggap ko ang katotohanan subalit hindi ako pinanghinaaan ng loob dahil alam kong hindi ako pababayaan ng nasa Itaas. Hanggang sa mapadpad ako sa isang ahensiya na nangangailangan ng trabahador sa Gitnang Silangan. Tinangap ko ang trabaho sa isang planta ng langis bilang Pipe Fitter. Pagkalipas ng isang taon ay na-promote ako bilang Assistant Quality Controller. Lalo akong naging determinado sa aking pagtatrabaho hanggang sa matapos ko ang dalawang taon kong kontrata. Nagpabalik-balik ako sa iba't-ibang bansa: Saudi, UAE, Kuwait, Qatar, at Rasya bilang isang inhinyero sa isang American Firm Consultancy. Ngayong ako'y tatlumpung taong gulang na, malayu layo na rin ang aking narating. Ito'y dahil sa “munting pangarap” na kailanman sa aking isipan ay hindi ko kayang abutin. Salamat sa panahon na naghubog sa aking pagkatao at nagbigay ng tatag, tapang at inspirasyon. Sana itong aking lathalain ay magbigay inspirasyon sa ating mga kabataan na maging prioridad ang kanilang pag-aaral. Hindi hadlang ang kahirapan upang sumuko. Bagkus ay nagpapatibay pa ito ng ating pagkatao sa lahat ng pagsubok na darating sa ating mga buhay.
|